Isang American citizen ang inaresto ng mga tauhan ng Aviation Security Group (Avsegroup) matapos na mahulihan ng hinihinalang ipinagbabawal na marijuana at drug paraphernalia sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon ng umaga.
Ipinasa na ng Avsegroup sa Philiipine Drug Enforcement Agency ang suspect na kinilalang si Martin Richard Campbell, 42, binata, ng Winilow Circle, Golffort, Mississipi, USA matapos ang isinagawang paunang pagsisiyasat dito.
Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Jolly Guiling, dakong alas-8:50 ng umaga nang mapigilin si Campbell habang dumadaan sa final check sa departure area.
Ayon kay Guiling, habang kinakapkapan ng nakatalagang screening officer na si Norberto Santiago ang nasabing Amerikano nang makuha sa bulsa nito ang isang tooter at isang maliit na plastic na nakapaloob ang umano’y pinatuyong marijuana.
Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam ng nasabing body frisker sa mga nakatalagang tauhan ng Avesgroup sa departure area ang narekober sa nasabing pasahero sanhi upang pigilin ito at sumailalim sa pagsisiyasat.
Napag-alamang patungo ang naturang dayuhan sa Palawan at nakatakdang sumakay sa Air Philippines flight 2P-945 sa NAIA Terminal 3 nang ito ay masabat. Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban dito. (Ellen Fernando)