2 tauhan ng PEATC inireklamo
Hindi na tinulungan, tinakbuhan pa.
Ito ang masaklap na nangyari sa isang empleyado ng Phil. Star matapos na “alpasan” umano ng dalawang miyembro ng Public Estate Authority Tollway Corporation (PEATC) ang driver na nakabangga sa kotse ng una sa Mia Road, Coastal, Parañaque City.
Maluha-luha si Abigail Adolfo, 35, ng Legarda St., BF Resort Vil lage, Las Piñas City matapos balewalain ng mga nagpakilalang PEATC enforcers na sina Alex Baja at Jerome Canola ang paghingi niya ng tulong at alpasan pa ang driver na nakabangga sa kanyang kotse.
Ayon kay Adolfo, ang insidente ay naganap noong Disyembre 23, 2008 dakong alas-12:30 ng hapon sa intersection ng Mia Road, Coastal , Roxas Blvd., Brgy. Tambo, Parañaque City kung saan nabangga umano ng isang multicab ang kanyang Nissan X-Trail na may plakang XLW-580.
Batay sa pahayag na ibinigay ni Adolfo sa Parañaque City Police Office-Traffic Enforcement Unit, binabaybay nito ang Mia Road Extension na doon nahagip ng isang hindi naplakahang multicab ang kanyang sasakyan.
Bunsod nito, mabilis umano niyang sinita ang di-nakilalang driver at sa puntong ito ay dumating sina Baja at Canola. Ilang Segundo umanong nagkaroon ng argumento sa pagitan nina Adolfo at ng nasabing di-nakilalang driver hanggang sa pinabalik na ang una sa kanyang sasakyan.
Lingid sa kaalaman ni Adolfo ay umalis at tumakbo na umano ang driver ng multicab na nakabangga sa kanya. Bunsod nito’y sinabi ng dalawang PEATC enforcers na hahabulin umano ng mga ito ang driver ngunit tatlong oras na ang nakalilipas ay hindi na umano siya binalikan nina Baja at Canola sa naturang lugar.
Bago nga ito ay ilang minuto rin umanong nag-usap ang driver ng nasabing multicab at sina Canola at Baja. Bunsod nito’y nanawagan si Adolfo sa pamunuan ng PEATC na gawan ng kaukulang imbestigasyon ang dalawa nilang tauhan na sangkot sa ganitong katiwalian.
- Latest
- Trending