Briton hubo't hubad na iginapos, binusalan saka hinoldap sa motel

Inakit muna sa alindog ng bayarang babae bago iginapos ng hubo’t hubad sa kama na may nakapasak na busal sa bibig saka sinamsam ang pera at alahas ng isang turistang Carribean-British national ng tatlong maskaradong lalaki sa loob ng isang motel, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Kinilala ni SPO1 Joel Lan­dicho ang biktima na si Ronald Andrew Springer, 48, pansa­mantalang nanunuluyan sa Room 406 ng Saloni Hotel, Leon Guinto St., Malate, Manila.

Batay sa paunang imbes­tigasyon, ang biktima kasama ang isang kaibigang turista na si Keith Anthony Higgins ay nag-check-in sa Halina Motel sa Libertad St., Pasay City at ino­kupahan ang Room 35 dakong alas-3 ng madaling-araw.

Makalipas ang ilang minuto,   lumabas ng motel at sumakay ng taxi ang dalawang dayuhan upang kumuha ng mga baya­rang babae at napili ng mga ito ang isang Mayline at isang nag­ngangalang alyas “Jenny Labi.”

Ang biktima at kaibigan nito ay muling nagbalik sa Halina Motel kung saan inokupahan ng una ang Room 43 kasama ang suspect na si Labi.

Habang ang biktima ay hubo’t hubad na nakahiga sa kama kasama ang suspect na si Labi, narinig nitong may kuma­katok kung saan nang buksan ng babae ang pintuan ay tatlong lalaki na nakasuot ng bonnet na pawang armado ng baril at patalim ang sapilitang pumasok.

Agad na   tinutukan ng baril ng mga suspect ang biktima saka iginapos at binusalan ang bibig bago sapilitang kinuha ang kanyang salapi at relos na Seconda na nagkakahalaga ng UK180 pounds, gold bracelet na nagkakahalaga ng UK400 pounds, gintong kwintas na nag­kakahalaga ng UK200 pounds, P25,000 cash at UK1,000 pounds.

Agad namang tumakas ang tatlong suspect kasama si Labi.

Ilang minuto pa ay naka­hulagpos sa pagkakatali sa kama si Springer na agad namang gumapang sa lobby ng motel hanggang sa makita ito ng isang roomboy at tinulungan itong alisin ang mga tali sa kan­yang mga paa at kamay pati na ang masking tape sa bibig nito.

Samantala ang kasama naman ni Springer na si Higgins at Mayline na nasa kabilang silid ay hindi namalayan ang na­ganap sa una.

Ayon sa biktima, bago ang insidente ay una niyang napuna si Labi na may binating isang lalaki na nakatayo sa harap ng Room 42 bago sila pumasok sa Room 43.

Sa kasalukuyan ay ini­imbes­tigahan ng awtoridad si Mayline, habang pinaghahanap pa ang kasama nitong si “Jenny Labi na hinihinalang may ka­ugnayan sa mga suspect na nangholdap sa biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments