Isang limang buwang gulang na fetus na hindi mabatid ang kasarian ang natagpuan sa loob ng isang pampasaherong bus kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Ayon sa report na natanggap ng Valenzuela City Police, dakong alas-11 ng gabi nang natagpuan ang fetus na nasa loob ng isang plastic bag mismo sa loob ng isang unit ng Star Bus Liner na may numero ng plaka NXX-835 sa garahe nito sa may kahabaan ng Mc. Arthur Highway, Brgy. Karuhatan ng nabanggit na siyudad.
Nabatid sa konductor na si Rey Abunlandar na isang magandang babae ang sumakay sa kanilang bus sa may bandang Crossing, Mandaluyong City kung saan dala nito ang isang plastic bag.
Pagsapit nila ng bandang Cubao ay bumaba ang babae ngunit hindi nito dala ang plastic bag.
Ayon dito, hindi naman nila pinansin ang naturang plastic bag sa pag-aakalang ito ay basura lamang.
Samantala, isang naagnas na fetus ang natagpuan ng isang empleyado ng Metro Manila Development Authority habang naglilinis ng basura sa Pandacan pumping station kahapon ng umaga sa Maynila.
Inilarawan lamang ang fetus na nasa pagitan ng anim hanggang walong buwang gulang subalit hindi na malaman ang kasarian nito dahil sa naaagnas na ito.
Kaagad namang dinala upang pansamantalang ilagak ang fetus sa Universal Funeral Parlor. (Lordeth Bonilla at Gemma Amargo-Garcia)