Bumagsak sa kulungan ang isang abogado at dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines makaraang manakot at manutok ng baril at manakit pa umano sa isang pulis kahapon sa Quezon City.
Nahaharap sa patung-patong na kaso tulad ng illegal possession of firearm, assault upon a police officer at resisting arrest ang abogadong si Jose Grapilon, 61 anyos, ng #518 Golden Bay Hotel, Roxas Blvd., Pasay City.
Inireklamo siya nina Bebot Malana, 51, kagawad ng Barangay Roxas, Quezon City at PO3 Antonio Torrente.
Ayon kay PO3 Allan Paul Tesada ng Quezon City Police District-Station 10, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa harapan ng bahay ni Malana sa Champaca Street, Barangay Roxas kung saan isang street party ang nagaganap.
Sinabi ni Malana na sinita niya si Grapilon na nasa loob ng kotse nitong Mitsubishi Lancer dahil sa nakikitang komosyon sa loob ng sasakyan kung saan kasama ng abogado ang anak nito.
Galit na lumabas umano ang abogado at tinutukan siya ng baril maging ang mga residenteng nakasaksi. Agad namang humingi ng responde ang mga tanod sa istasyon ng pulisya na umaresto dito.
Sinabi naman ni Torrente na nabatukan umano siya ng abogado sa loob ng istasyon habang patuloy pa rin ito sa pag-iingay at nagbanta na kakasuhan pa ang mga pulis. Wala naman umanong maipakitang papeles si Grapilon sa dala nitong kalibre .38 baril.
Itinanggi naman ni Grapilon ang mga akusasyon ng panunutok niya ng baril at pag-uumpisa ng kaguluhan. Nabatid na naging pangulo ng IBP si Grapilon magmula taong 1997 hanggang 1999. (Danilo Garcia)