Muling nagbabala ang National Meat Inspection Service (NMIS) ng Department of Agriculture sa pagkalat ng mga hot meat sa mga pamilihan ngayong Bagong Taon matapos na masabat ang may 100 kilo ng mga ulo ng baboy na walang kaukulang papeles, kahapon ng umaga sa Quezon City.
Sinabi ni NMIS-Metro Manila officer in charge Eduardo Oblena na matagal na nilang sinusubaybayan ang galaw ng nasakote nilang grupo matapos na makatanggap ng impormasyon sa “gerilya type” nitong transportasyon ng karne.
Una umanong isina-sakay ang mga iligal na karne sa isang Fiera type na van at inililipat sa arkiladong taxi upang ibiyahe naman patungo sa Maynila. Sinabi ng mga tauhan ng NMIS na masangsang na umano ang amoy ng mga karne.
Nabatid pa na dinoktor ang papeles na dala ng may-ari ng mga karne na si Solita Marola kung saan pinalabas na 10 ang isang baboy na kinatay at nabigyan ng inspection certificate upang makapagbiyahe ng mas maraming karne.
Sinabi naman ni Masola na half cooked‚ na umano ang mga karne kaya may amoy at dadalhin nila sa Blumentritt upang ibagsak sa kanilang mga kliyente. (Danilo Garcia)