Tiyo na nakabaril sa pamangkin, tugis

Nagsasagawa ngayon ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa isang binata na nakabaril sa 8-anyos nitong pamangkin sa ginanap na Christmas Party kamakailan sa isang ba­rangay sa Caloocan City.

Ang suspect na kasaluku­yang nahaharap sa patung-patong na kaso ay kinilalang si Joey Garcia, 35, ng Grace Park, Brgy. 56, ng nabanggit na lungsod.

Sa salaysay ni Julie Garcia, 31-anyos at ina ng biktimang si Daniel, isa umano sa kanilang kapit­bahay ang nakakita kung paano nabaril ng suspect ang bata.

Nang malaman umano ng suspect na tinamaan nito ng bala ng baril sa ulo ang kan­yang pamangkin ay mabilis itong tumakas dala ang ginamit na armas.

Sa rekord ng pulisya, na­ganap ang insidente noong Disyembre 25, dakong alas-7 ng gabi sa covered court na matatagpuan sa Daang Bakal St., 8th Avenue , Brgy. 56, Ca­­loocan City.

Ayon sa ulat, unang may nakaaway ang suspect sa naturang lugar dahilan upang kumuha ito ng baril at walang habas na pinaputukan ang mga nakaaway at aksidente nitong tinamaan ng bala sa ulo ang kan­yang pamangkin na hang­gang sa kasalukuyan ay nakikipaglaban kay kama­ta­yan sa Manila Central Uni­ver­sity (MCU) Hospital ng Caloo­can City. (Rose Ta­mayo-Tesoro)

Show comments