Estudyante hinoldap, inatado ng crew ng fastfood chain

Kritikal ang isang 19-anyos na estudyante ma­karaang ataduhin ito ng saksak ng isang service crew sa isang fastfood chain nang man­laban ang una nang pilit na kinukuha ng huli ang kanyang cellular phone, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Inoobserbahan sa Manila Central University Hospital sanhi ng malalim na saksak sa katawan si Ivan Ronquillo ng General Segundo St., Quezon City.

Posibleng sa kulungan naman magba-Bagong Taon ang suspect na si Albert Dacara, 22, ng Milagrosa Sabina, Novaliches, Quezon City at service crew ng isang fast food chain   sa Recto, Manila makaraang maaresto ito ng pulisya matapos ang insidente.

Batay sa ulat, dakong alas-12:15 ng ma­da­ ling-araw, kasakay ng biktima sa isang pampa­saherong jeep ang suspect at pagsapit ng mga ito sa 2nd Ave. ng nabanggit na lung­sod ay tinutukan ng patalim ni Dacara si Ronquillo.

Nang kinukuha na ng suspect ang Nokia 6600 ng biktima ay nanlaban ang huli na naging dahilan upang saksakin ito ng una.

Dahil dito, nagpulasan ang ibang pasahero na nakatawag naman ng pansin sa mga nagro­rondang mga pulis na naging dahilan upang madakip ang suspect at madala naman sa MCU ang biktima na ngayon ay nasa kritikal pa ring kondisyon. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments