ATM machine bantay-sarado sa pulisya
Minomonitor ngayon ng Pasig Police ang lahat ng mga Automated Teller Machine (ATM) sa lungsod upang maiwasan ang mga insidente ng holdap at salisi dahil sa inaasahang withdrawals ng tao para sa pambili ng kanilang pang media noche.
Kasabay nito ay ipinag-utos rin ni Pasig Police officer in charge P/Supt. Ramiro Bausa ang pagtatalaga ng uniformed at naka-civilian na mga police sa mga strategical places ng mga ATM.
Ang kautusan ay kasabay ng pagkakaaresto ng mga kagawad ng SWAT kay Ferdinand Delmendo, 40, ng Ronquillo St., Tropang Bagsik, Tipaz, Taguig City matapos nitong biktimahin si Fatima Montong, 52, isang OFW, ng Brgy. Caniogan Pasig City.
Sa ulat, dakong alas-2:49 ng hapon nang maaresto nila ang suspek sa harap ng Automated Teller Machine (ATM) sa Mabini St., Brgy. Kapasigan.
Nabatid na nagwi-withdraw ang biktima sa ATM ng Philippine National Bank (PNB) nang dumating ang suspek mula sa likuran ng biktima at nag-kunwaring kostumer.
Biglang lumapit ang suspek sa biktima at agad na pumindot sa ATM na kung saan ay naglabas ng 7 piraso ng P500 at 7 piraso naman ng P100 na umaabot naman sa P4,000.
Bagamat nabigla ay nakipag-agawan ang biktima sa suspek ng damputin nito ang perang lumabas sa ATM machine. Napansin naman ng nagpapatrulyang SWAT ang komosyon na agad rumesponde na ikinahuli ng suspek.
Sa himpilan naman ng pulisya ay isa pang complainant ang dumating at positibong itinuro ang suspek na siyang kumuha ng kanyang P10,000 noong Nobyembre 18, 2008 dakong alas-12 ng tanghali sa nasabi ring ATM machine. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending