Binigyang prayoridad ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga babaeng inmates at mga batang mula sa mahihirap na pamilya na bigyan ng regalo kahapon upang mapasaya ang mga ito ngayong Pasko.
Pinangunahan ni QCPD Director, Sr. Supt. Magtanggol Gatdula ang pamimigay ng regalo sa loob ng Camp Karingal sa Sikatuna Village, Quezon City. Kabilang sa mga ipinamahagi sa may 500 mga bilanggo ng Quezon City Female Dormitory ang mga pagkain tulad ng noodles, sabon, toothpaste, brush, tuwalya at iba pang pampaganda.
Umaabot naman sa 300 mga bata ang binigyan din ng aginaldo ni Gatdula kasama ang mga station commanders sa 11 himpilan ng mga pulis sa lungsod sa Camp Karingal grandstand kahapon.
Sinabi ni Gatdula na ito ang kanilang maliit na maitutulong sa mga bilanggo na tila nawawalan na ng pag-asa dahil sa pagkakakulong at sa mga bata upang mabigyan ng konting saya ang mga ito.
Nabatid na ito na ang ikatlong taon ng pamamahagi ng mga regalo at aginaldo ng QCPD kung saan umaasa si Gatdula na ipagpapatuloy ng hahalili sa kanya ang naturang programa taun-taon. (Danilo Garcia)