Patay ang magkapatid makaraang masunog ang inuupahan nilang apartment kahapon ng umaga sa Pasig City.
Magkayakap pa nang matagpuan ng mga bumbero ang sunog na bangkay ng mga biktimang nakilalang sina Mart Jo 18, at Matthew Maglaye, 4, residente ng Moscow St. Greenpark Subdivision, Manggahan Village ng nasabing lungsod.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga habang kapwa natutulog ang magkapatid sa ikalawang palapag ng inuupahang apartment unit.
Nabatid mula sa mga kapitbahay ng biktima, nakarinig umano sila ng isang malakas na pagsabog sa loob ng inuupahang apartment ng pamilya Maglaye kasunod nito ang mabilis na pagkalat ng apoy sa loob nito.
Napag-alaman na kapwa naiwan ang natutulog na mag-ate ng ihatid ng kanilang ama na si Ronald ang kanilang ina na si Raquelle sa pinapasukan nito.
Matapos ang mahigit isa at kalahating oras tumagal ang sunog at idineklarang fire-out dakong alas-8:35 ng umaga.
Samantala, wala namang nakikitang pagkukulang ang mga kagawad ng Pasig Bureau of Fire Protection (BFP) sa naturang gusali dahil mayroong itong fire exit na maaring madaanan ng mga biktima.
Hinala ng mga bumbero na posibleng ang mabilis na pagkalat ng apoy ang naging dahilan upang makulong at tuluyang matusta sa sunog ang mag-ateng biktima.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon para malaman ang sanhi ng nasabing sunog.