Umiskor ang mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos masakote ang isang pinaghihinalaang Chinese big time drug trafficker sa isinagawang buy-bust operations sa lungsod ng Maynila.
Kinilala ni NCRPO chief, Director Leopoldo Bataoil ang nasakoteng suspect na si Zhi Min Ong, 41, sales agent at naninirahan sa #608 Regina St., Juan Luna, Binondo, Manila .
Nabatid na nasakote ang suspect sa isinagawang buy-bust operations sa harapan ng Francisco Balagtas Elementary School na matatagpuan sa kahabaan ng Alvarez malapit sa Severino Reyes St., Sta. Cruz, Manila pasado alas-3 ng hapon.
Bago ito, nakatanggap ng impormasyon ang NCRPO operatives hinggil sa talamak na pagtutulak ng droga ng suspect, partikular na ang shabu sa Sta. Cruz at iba pang bahagi ng Metro Manila.
Hindi na nakapalag ang suspect matapos dakpin ng mga awtoridad sa aktong iniaabot sa poseur buyer ng NCRPO ang ibinebenta nitong shabu.
Nasamsam mula kay Ong ang isang Chinese envelop na may lamang transparent ice bag na siyang pinaglagyan ng 50 gramo ng shabu. Gayundin ang isa pang kulay berdeng ‘body shop’ bag na may laman namang isang kulay pula at isang kulay rosas na kahon ng sigarilyo kung saan ay nakasilid sa loob nito ang 100 gramo ng shabu , habang ang isa pa ay may laman 50 pang gramo ng shabu.
Nakuha rin mula sa suspect ang 4,000.00 cash na hinihinalang pinagbentahan nito sa droga at isang kulay abong Toyota Camry na may plakang XEH 510. Hindi na nakapalag ang nasabing suspect matapos posasan ng arresting team.