Muling nagpatupad ng P2 rollback sa presyo ng kada-kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) ang maliliit na dealers kaninang hatinggabi.
Ayon sa LPG Marketers Association (LPGMA), dahil sa naturang pinakahuling bawas sa presyo ng LPG ay dapat hindi na lalagpas sa P500 ang presyo ng kada-11 kg na tangke nito.
Ayon kay LPGMA president Arnel Ty, sinabi nito na ang P2 bawas sa presyo ng kada-kilo ng LPG o P22 sa kada 11-kg na tangke ay naging epektibo simula alas-12 ng hatinggabi.
Maliban dito, nagbigay din ito ng indikasyon na masusundan pa ang nasabing rollback dahil sa patuloy aniyang pagbaba ng contract price nito sa world market. Mula aniya sa P516 ay magiging below P500 na ang presyo ng LPG dahil sa nasabing panibagong rollback.