2 holdaper utas sa barilan

Nakapuntos kahapon ang mga tauhan ng Quezon City Police District laban sa mga sindikato ng holdaper makaraang mapatay ang dalawa sa mga suspek sa naganap na engkuwentro kahapon ng umaga sa naturang lungsod.

Nakilala lang sa alyas na Sonny Dohinog ang isa sa napatay. Habang isinusulat ito, tinutugay­gayan ng pulisya ang isang Starex van na lulan ang iba pang mga holdaper.

Sa inisyal na ulat ng QCPD, pasado alas-11:30 ng tanghali nang maganap ang engkuwentro sa harap ng Commonwealth Public Market sa Common­wealth Avenue ng naturang lungsod.

Nakatanggap ang QCPD-Special Weapons and Tactics unit ng sumbong sa presensya ng mga armadong lalaki sa naturang lugar sanhi upang rumesponde ang mga pulis.

Hindi pa nakakalapit ang mga otoridad nang agad silang paputukan ng mga suspek. Dito na nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa duguang bumagsak ang dalawa sa mga suspek at mabilis na tumakas ang mga kasamahan ng mga ito sakay ng Starex van.

Sinabi ni QCPD Dep. Director for Operations, Sr. Supt. Federico Laciste na malaking grupo ang ka­nilang naka-engkuwentro. Posible umanong sasala­kay ang mga ito sa isang establisimiyento sa lungsod nang masita ng kanilang mga tauhan. (Danilo Garcia)

Show comments