Nadakip ng pulisya ang isa sa mga suspek na nagmasaker sa isang pamilya sa Cavite tatlong taon na ang nakakaraan matapos itong “inguso” ng kanyang ka-live-in dahil sa pangmomolestiya sa kanilang 5-anyos na anak na babae sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Insp. Alfredo Acson, hepe ng Warrant and Subpoena Section ang naaresto na si Froilan Dinglasan, taga Kiko Camarin ng lungsod na ito. Base sa report, alas-2 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa bahay nito sa nasabing lugar sa bisa ng warrant of arrest na pinalabas ni Judge Jansen Rodriguez, ng Manila RTC Branch 6.
Nabatid na nagsumbong sa mga pulis ang ka-live-in ng suspek dahil sa pangmomolestiya sa kanilang anak. Sinabi rin ng ka-live-in nito ang kinakasangkutan kaso ng suspek na naging dahilan upang kumuha ng warrant of arrest ang pulis hanggang sa maaresto ito sa nasabing lugar.
Nabatid na si Dinglasan ay isa sa labing limang mga suspek na sangkot sa pagpatay kay Danilo Mendoza, 70, asawa nitong si Juliana, 68 at mga anak na sina Alvin at Jessie sa bahay ng mga ito sa Brgy. Halang, Amadeo, Cavite noong nakalipas na Enero 2005. Matapos ang insidente ay nagtago na si Dinglasan hanggang sa isumbong ito ng kanyang ka-live-in, na naging dahilan nang pagkakadakip dito. (Lordeth Bonilla)