Umaabot sa 440 kilo ng hot meat ang nakumpiska ng mga tauhan ng Veterinary Board Inspections (VIB) ng Manila City hall sa isinagawang operasyon ng mga ito sa tatlong pamilihan sa Maynila kamakalawa.
Ayon kay Engr. Francisco Co, kabilang sa mga sinalakay ay ang Divisoria Market, na dito nasamsam ang may 40 kilo ng double dead na karne; Nepo St., at Paco market na nakuhanan ng tig 200 kilos ng hot meat.
Sinabi ni Co na ang pagkakasamsam sa mga hot meat ay bunsod na rin ng kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim na paigtingin ang kampanya laban sa mga illegal slaughter, pagbebenta at pagpapasok ng mga karne sa mga pamilihan sa Maynila.
Aniya, kailangan nilang maghigpit lalo na ngayon dahil papalapit na ang Christmas season kung saan dadagsa ang mga mamimili ng mga karne na kanilang ipanghahanda. Dahil dito, sinabi ni Co na posibleng matanggalan ng permit ang mga pamilihan na mahuhuling lumalabag sa ordinansa.
Matatandaan na mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 6 ay umaabot sa 400 kilos din ang nasabat ng mga awtoridad sa Divisoria din. (Doris Franche)