Binistay ng bala ang katawan ng isang 39-anyos na cartoonist makaraang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salaring sakay ng motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Hanggang sa kasalukuyan ay blangko pa rin ang Pasig Police sa tunay na motibo ng pamamaslang sa biktimang si Benjie Guevarra, empleyado ng Fil Cartoonist Inc.. sa Mandaluyong City.
Naglalakad ang biktima dakong alas-6:00 ng gabi sa kahabaan ng Col. Cruz st., Barangay Bagong Ilog ng nasabing lungsod nang bigla na lang lumitaw ang isang motorsiklo lulan ang suspek na armado ng 9 mm na kalibre ng baril at malapitang pinagbabaril ang biktima.
Nang maubos ang bala ng baril at masigurong wala nang buhay ang biktima ay mabilis na pinaharurot ng suspek ang kanyang motorsiklo upang tumakas.