Higit na pinalakas ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang kampanya nito laban sa mapagsamantalang mga negosyante na nagtitinda ng “hot meat” sa mga pampublikong pamilihan ng lungsod.
Dahil sa pagpasok ng Kapaskuhan, tiniyak kahapon ni Pasay City Mayor Wenceslao “Peewee” Trinidad na puspusan na ang ginagawang pagbabantay ng mga tauhan sa Pasay City Public Market para i-monitor ang mga ibinebentang karne sa palengke.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng Alkalde si City Veterinarian chief, Dr. Ronald Ve nasor na kumpiskahin ang mga “palusot” na karne na hindi dumaan sa slaughter house.
Magugunita na kamakailan ay nakakumpiska ang mga tauhan ng City Veterinary Office ng 300 kilo ng double dead meat na ibinebenta sa murang halaga hanggang P70/kilo.
Nabatid na una ng binansagan ang Libertad Market ng Pasay City na “bagsakan” ng mga double dead na karne.
Nanawagan naman ang dalawang opisyal sa mga residente na makiisa sa kampanya laban sa mga nagbebenta ng hot meat na ipinalulusot ng mga tiwaling vendors. (Rose Tamayo-Tesoro)