Iginiit ng Department of Energy (DOE) sa mga kompanya ng langis na dapat nilang ibaba pa ang presyo ng kanilang produktong liquified petroleum gas (LPG) ng hanggang P191 kada tangke puwera pa ang nauna ng ibinaba nilang P44 kada tangke ng nakaraang linggo.
Sa naganap na pagpupulong ng mga LPG stakeholders sa tanggapan ng DOE na umabot hanggang gabi kamakalawa sinabi ni DOE Secretary Angelo Reyes na sa laki ng ibinaba ng contact price ng produktong LPG sa pandaigdigang pamilihan dapat umanong magbaba ng hanggang P235 kada 11 kg na tangke ang presyo nito sa lokal na pamilihan.
Paliwanag nito na mula sa pinakamataas na $804 kada bariles noong buwan ng Marso nasa $409 na lang kada bariles ang presyo nito ngayong buwan ng Oktubre kaya makatarungan lang umano na magbaba ang mga kompanya ng langis ng nasabing presyo.
“We expect LPG prices to reflect the drop in the contract price by 39 percent this month. I want the rollback done soon. I don’t want to reach the limit of my patience,” pahayag ni Reyes. Samantala ayon naman kay Petron spokesperson Virginia Ruivivar, asahan na ng consumers ang patuloy na rollback ng kanilang produktong LPG subalit nilinaw nito na huwag namang asahan na kanilang ibababa ito ng katulad ng sinabi ni Reyes.
Ayon naman kay LPG Marketers Association Arnel Ty, kaya nilang magbaba ng hanggang P15 kada kilo o P161 kada 11 kg na cooking gas subalit ito ay hindi isang bagsakan kundi installment basis ang kanilang gagawin.