Nagbaba ng P44 kada isang 11 kg na tangke o P4 kada kilo ng produktong liquefied petroleum gas (LPG) ang dalawang higanteng kompanya ng langis dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan. Sa pahayag kahapon ng mga tagapagsalita ng Shell na si Bobby Kanapi at Virginia Ruivivar ng Petron, epektibo ang rollback simula alas-12:01 ng madaling-araw ngayon. Magbabawas din ang Petron ng P2.50 kada litro sa presyo ng kanilang auto LPG, karaniwang ginagamit ng mga taxi.
Ayon sa mga tagapagsalita ng mga nasabing kompanya, ang rollback sa presyo ng kanilang LPG ay bunsod ng patuloy na pagbaba ng contact price nito sa world market na ngayon ay pumapalo na lang sa $804 kada metriko tonelada mula sa pinakamataas na $936.50 noong buwan ng Hulyo.
Samantala, nauna nang nagpahayag kamakalawa ang LPG Marketers Association (LPGMA), dealer ng Omni, Pinnacle, Sula, Cat at Nation Gas na magbababa sila ng P3 kada kilo o kabuuang P33 kada 11 kg na tindang cooking gas. Dagdag pa ni Arnel Ty, presidente ng grupo na isang malaking rollback pa ang asahan ng consumers sa susunod na linggo. Kung masusunod naman ang kalkulasyon ng Department of Energy (DOE), posibleng bumaba umano mula P100 hanggang P150 kada tangke ang presyo ng LPG hanggang sa unang buwan ng Disyembre dahil sa laki ng ibinaba ng presyo nito sa world market.
Inaasahan naman na susunod din ang iba pang kompanya ng langis na ibaba ang kanilang tindang LPG dahil sa ginawang rollback ng Shell, Petron at grupong LPGMA. Dahil sa nasabing rollback, naglalaro na lang ngayon sa P544 hanggang P603 ang presyo ng 11 kg na cooking gas. (Edwin Balasa, Angie dela Cruz at Rose Tesoro)