Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District-District Special Police Unit ang isang 52 anyos na teller ng isang money changing shop makaraang ireklamo ng isang seaman na nagpapalit ng $2,000 dolyar sa Mabini, Ermita, Maynila.
Nakapiit ngayon sa presinto ang suspect na si Precy Mariano, tubong Pampanga at nakatira sa 507 Sta. Monica St., Mabini matapos na maaresto ni PO2 Angelito Gaviola sa loob ng Gigs Money Changer.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Amador Jareno Jr., naghahanap ang biktimang si Anthony Mark Tobias, 25, ng money changer na magpapalit sa mas mataas na halaga ng kanyang perang dolyar nang lapitan ng suspek at isang alyas Marilyn at inalok na palitan ang kanyang dolyar sa palitang P50$1.
Binilangan siya ng suspect ng P100,000 bilang kapalit sa kanyang $2,000 pero nang muli niya itong bilangin sa loob ng BPI Bank, Adriatico branch kinalaunan ay natuklasan niyang kulang ng P50,000 ang ibinigay na pera ng suspek. (Doris Franche)