Inihayag kahapon ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagbibigay ng libreng cremation sa mga nagnanais na itabi ang abo ng kanilang namatay na mahal sa buhay.
Sa kanyang paglilibot kahapon sa Manila North Cemetery, agad na inatasan ni Lim sina City Administrator Jesus Mari Marzan, chief of staff Ric de Guzman, city engineer Armand Andres at Manila North Cemetery head Peter Tamondong na tingnan ang bagong tayong crematory na nasa entrance ng nasabing libingan.
Ayon kay Lim, umaabot sa daang libo ang halaga ng cremation subalit, sa lungsod ng Maynila, libre lamang itong ibibigay ng city government para sa mga hirap makahanap ng lugar sa Manila North Cemetery bunga na rin ng pagsisiksikan dito.
Ayon kay Lim ang kanyang kautusan ay bahagi ng kanyang probisyon ng pagbibigay ng libreng libing na bahagi sa kanyang proyekto na ‘womb to tomb’ para sa mga Manilenyo.
Ipinaliwanag ni Lim na kabilang din sa kanilang “womb to tomb” program ay ang pagbibigay ng libreng pre-natal sa mga buntis hanggang sa pagbibigay ng libreng konsultasyon sa mga bagong panganak na bata.