Natatandaan ba ninyo si “MAC” (Mechanical Anti-terrorist Concept) ang anti-bomb robot na ipinakikilala ng Makati City Police.
Ganap ng robo cop si “MAC” matapos itong bigyan ng ranggong Inspector ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa kaugnay ng pinalakas na anti-terrorism campaign.
Si MAC ay personal na iprinisinta kahapon ni Makati City Police Chief Sr. Supt. Gilbert Cruz kay Verzosa sa Camp Crame na nagpakitang gilas sa pagdampot at pag-detect ng isang granada sa harapan ng mediamen.
Ayon kay Verzosa si Inspector MAC ay imbensyon ng mga engineering student ng Mapua Institute of Technology bilang ‘bomb disposal at mechanical tool’ na nagwagi ng Gold Medal Award sa katatapos na 1st World Cup on Computer Implemented Inventions sa China.
Sinabi ni Verzosa na malaki ang maitutulong ni Inspector MAC sa pagtukoy ng anumang uri ng eksplosibo upang masupil ang banta ng terorismo.
Nabatid naman kay Cruz na aabot sa P400,000 ang ginasta para mabuo ang nasabing anti-bomb robot na maliban sa Makati City ay puwede rin nilang ipahiram sa iba pang mga himpilan na maaring mangailangan sa serbisyo ni Insp. MAC. (Joy Cantos)