Sinalakay ng mahigit sa labinlimang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga miyembro ng hold-up and robbery gang ang punong-tanggapan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at hinostage ang mga gwardiya pati na ang mga empleyado dito bago tuluyang tangayin ng mga suspect ang mga salapi at personal na kagamitan ng mga huli, kamakalawa ng gabi sa Aurora Blvd., Pasay City.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Joel Landicho, may hawak ng kaso, dakong alas-9:30 ng gabi nang unang dumating ang isang gray na SUV Toyota Revo na may plakang SFV-105 at isang green na Mitsubishi Adventure na may plakang SFV-104.
Unang nagkunwaring mga pulis umano ang mga suspect kung saan nang dumating ang mga ito ay una nilang tinanong ang mga security guard na si Crisanto Bornales at Jojie Laping na noon ay kapwa nagbabantay sa main gate ng LRTA kung may nagaganap na kaguluhan sa loob ng opisina.
Nang tatawag na sana umano ang mga security guard sa kanilang officer-in-charge agad na inagaw ng mga suspect ang hand-held radio sa mga una sabay tutok ng baril sa mga ito bago kapwa kinaladkad sa loob ng isang jeep na nakaparada sa parking lot kung saan nakatambay ang dalawa pang suspect.
Sa pagkakataong ito ay lumabas naman ang isang utility worker na si Noel Jabatan na nagkataong napadaan sa naturang lugar na agad namang pinagbubugbog ng mga suspect hanggang sa malugmok nang tumanggi itong sumakay sa loob ng nasabing pampasaherong jeep.
Matapos nito, tatlo naman sa siyam na suspect ang nagtungo sa Admin Office ng LRTA at pinadapa ang 16-empleyado saka kinulimbat ang kanilang mga salapi, cellphone, alahas at iba pang personal na kagamitan. Nang walang matagpuang salapi, makalipas ang 30-minuto ay agad na tumakas ang mga suspect lulan ng mga nabanggit na sasakyan.
Ang mga 16 hinostage naman na empleyado ay natagpuan ng mga security guard na nagsisiksikan sa loob ng isang comfort room ng gusali. (Rose Tamayo-Tesoro)