Hindi ligtas sa parusa ng batas ang isang ina na nakatakdang sampahan ng mabigat na kaso ng Philippine Drug Enforcement Agency matapos na umamin na sinadya niyang gawing kolateral ang kanyang siyam na taong gulang na anak na babae kapalit ng ibebentang shabu sa mag-asawang tulak sa Quiapo, Maynila noong taong 2006.
Ipinag-utos ni Director General Dionisio Santiago Jr. sa kanilang Law and Enforcement Division na sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act) si Sahara Pagagao ng Maharlika Village, Taguig City.
Pinasalamatan din ni Santiago si Manila Assistant City Prosecutor Brul Cruz matapos na sampahan ng kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination ang mag-asawang sina Bokary at Noraesa Bora, ng Carlos Palanca street, Muslim Center, Quiapo.
Sa kabila nito, magsasampa rin ng hiwalay na kasong paglabag sa RA 9165 ang PDEA sa naturang mag-asawa dahil sa paggamit sa batang ginawang kolateral sa pagdedeliber ng iligal na droga.
Sa rekord ng PDEA, iniwan ni Pagagao ang kanyang anak sa bahay ng mag-asawang Bora noong Nobyembre 18, 2006 bilang kolateral sa P15,000 halaga ng shabu na kinuha nito para ibenta. Nahulidap naman si Pagagao ng isang pulis na nakasalubong nito na tumangay sa dala niyang iligal na droga.
Tumanggi naman ang mag-asawang Bora na isoli ang bata nang ipagtapat ni Pagagao ang nangyari sa kanya sanhi upang humingi ito ng tulong sa National Bureau of Investigation. Naaresto dito ang mag-asawa at nailigtas ang bata na umamim na ginagamit siya ng mga ito na taga-deliber ng iligal na droga sa kanilang mga kustomer. (Danilo Garcia)