Isang umano’y huwad na cosmetic surgeon ang inaresto kamakailan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation makaraang maimpeksyon ang isa niyang biktima.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Medical Practices Act of 1959 ang beautician na si Roderick Melchor alyas Bambi ng Cembo, Makati City.
Naunang inireklamo ng biktimang si Roldan Paredes na nagkaimpeksyon siya matapos siyang gawan ni Melchor ng surgery na, rito, isang elecant oil na isang uri ng silicone ang itinurok sa kaniyang dibdib.
Pero nagkaimpeksyon at naospital si Paredes na kinailangang sumailalim sa lehitimong corrective surgery.
Dinakip ng NBi si Melchor sa 5J’s Beauty Salon sa Kalayaan Avenue, Cembo village noong Oktubre 13 nang aktong tuturukan na niya ang isang NBI asset na nagpanggap na kustomer ng nasabing substance.
Natuklasan din na wala ang pangalan ni Melchor sa talaan ng Professional Regulation Commission na nangangahulgang hindi ito awtorisado sa paggawa ng cosmetic surgery. (Ludy Bermudo)