Broker kinidnap sa Maynila

Isang customs broker ang umano’y dinukot ng tatlong armadong lalaki na sakay ng isang kulay puti na Toyota Fortuner, sa Port Area, Maynila, kahapon ng hapon.

Kinumpirma ito kahapon ni Manila Police District-station 5, commander, Supt. Rogelio “Jojo” Rosales, batay sa mga hawak na testigong nag-report sa pulisya.

Sa sketchy report, nabatid na isang Albert Illesca, may-ari ng Illesca Brokerage, ang isinakay ng mga suspect sa nasabing kotse at mabilis na itinakbo sa direksiyon ng Ermita, Maynila, dakong alas- 3:30 ng hapon, kahapon, sa Port area.

Sinabi ng mga testigo na malapit sa mismong tanggapan sa Illesca brokerage kinidnap ang biktima at nakita nila nang ipasok ito ng armadong mga lalaki sa Toyota Fortuner SUV.

Habang isinusulat ang balitang ito, naglalatag umano ng dragnet operation sa erya ng Ermita at Malate ang pwersa ng MPD para sa hinihinalang kidnapping sa nasabing biktima. (Ludy Bermudo)

Show comments