Dahil sa nararanasang depresyon dulot ng hirap ng buhay, nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti ang isang babaeng street sweeper sa loob ng bahay nito kamakalawa sa Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Araceli Caribo, 38, dalaga, tubong Leyte at residente ng Block 13, Poncentia street, Gravelpit, Brgy. Payatas, ng naturang lungsod. Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-2:30 ng hapon nang madiskubre ang pagpapatiwakal ng biktima sa loob ng kanyang bahay.
Nadiskubre ang bangkay ng kanyang kasambahay na si Jordan Tingal na nakasabit sa bubungan gamit ang isang nylon cord na nakapulupot sa kanyang leeg. Isang sulat rin na hinihinalang ginawa ni Caribo bago ang pagpapatiwakal ang natagpuan kung saan idinadaing nito ang nararanasang hirap sa buhay.
Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para mabatid na walang foul play sa pagkamatay nito. (Danilo Garcia)