Binatikos ng isang executive vice president ng isang banko ang kawalan ng seguridad sa loob mismo ng military camp nang pagnakawan ang kanyang nakaparadang kotse ng mga hinihinalang “Basag Kotse” gang sa Pasay City.
Ayon sa reklamo ni Wilfredo Maldia, 60, executive vice president ng Land Bank of the Philippines, residente ng Malabon City, dakong alas-6:30 ng umaga nang iparada niya sa parking lot ng Villamor Airbase Golf Club ang kanyang kulay puting Mitsubishi para maglaro ng nasabing sport.
Una umano siya nagtungo sa registration area para makapagbayad sa paglalaro at iniwanan sa loob ng kotse ang lahat ng kanyang kagamitan.
Matapos ang paglalaro, dakong alas-11:30 ng umaga nang balikan umano niya ang kanyang kotse sa Villamor Airbase parking lot kung saan natuklasan niyang basag na ang kanang bahagi ng kanyang kotse at nawawala ang kanyang lap top, alahas, baril na .9mm pistol at portable play station na umaabot sa kabuuang halagang P145,000. Dismayado umano si Maldia dahil maging sa loob ng Airbase ay hindi ligtas sa mga hinihinalang “Basag Kotse” gang ang mga pumaparada rito. (Rose Tamayo-Tesoro)