Pinag-aaralan na ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang posibleng pagsasampa ng kaso sa contractor ng dalawang billboards na bumagsak sa isang bus terminal kamakalawa dahil sa paggamit umano ng substandard na mga materyales.
Sinabi ni Cubao police station chief, Supt. Joselito Pajarillaga Jr., na malabong ang malakas na hangin ang dahilan ng pagbagsak ng mga billboards kahit na tuluy-tuloy ang pagbuhos ng ulan nitong nakaraang Lunes.
Umapela naman ang mga biktima ng naturang insidente sa contractor ng billboards na Universal Ads na tulungan sila sa gastusin sa pinsalang natamo nila dahil sa insidente.
Nabatid na umakyat na sa lima ang nasaktan sa naturang insidente na kinabibilangan nina Diana Enopia, 21; Mercy Alano Tumasar, 21; Jerry Alano, 40; and Allan Madrlejos, 34 at Mary Joy Orosco, 18-anyos.
Bukod dito, pagkalugi naman ang inabot ng St. Jude Transport matapos na mawasak ang kanilang terminal at maipit ang dalawang bus unit. Sinabi ni Alex Nuñez, terminal manager, na umaasa sila na makakabawi sa kanilang pagkalugi dahil sa dumarami ang pasahero ngayong nalalapit ang Undas ngunit mas malaking pagkalugi ang kinakaharap dahil sa kawalan ng terminal.
Kinukunsidera rin nila ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa Universal Ads. (Danilo Garcia)