Tanod todas sa riding in tandem

Isang barangay tanod ang binaril sa ulo at napatay ng dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo sa Ermita, Maynila kahapon ng umaga.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang biktimang si Aniceto Saquillo, alyas “Chito”, tanod ng Brgy. 669, Zone 72 District 5, at residente rin ng Section 5, Lot 34, Phase 3, Belvedere Subd., Gen Trias, Cavite, na binaril sa likurang bahagi ng ulo.

Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan sa dala­wang suspect.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:25 ng umaga nang lapitan ng dalawang suspect na sakay ng isang motorsiklo ang biktima sa tapat ng Philippine Airlines Learning Center na nasa panulukan ng P. Faura at J. Bacobo Sts., sa Ermita at walang sabi-sabing pinu­tukan ito sa ulo habang nakatalikod.

Nabatid na kukunin lamang ng biktima ang susi ng kanyang motorsiklo sa loob ng Bgy. hall nang siya ay tambangan. (Ludy Bermudo)

Show comments