Bilang pagkilala sa magandang performance ng Bureau of Immigration (BI) sa larangan ng revenue collection, foreign investments at tourist arrivals ngayong taon, agad na inaprubahan ng sub-com mittee ng House ang panukalang budget ng ahensiya para sa 2009 na nagkakahalaga ng P333.248 million.
Batay sa rekomendasyon ni Cagayan de Oro Rep. at dating BI Commissioner Rufus Rodriguez, ibinigay ni sub-committee chairman Rep. Edcel Lagman ng Albay ang nasabing alokasyon para sa BI, na mas mababa ng P29 million sa pondo nito para sa 2008.
Ngunit nilinaw ni Lagman na maaari pang tumaas ang pondo ng BI, depende sa mga pagbabagong ipapasok sa pambansang budget kapag dumaan na ito sa pinal na deliberasyon.
Ayon kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan, humihingi ang BI ng P1.339 billion para sa 2009 dahil na rin sa importanteng papel na ginagampanan ng bureau sa paghikayat ng foreign investors at turista, maliban pa sa pinakamahalagang trabaho nito na bantayan ang bansa laban sa di kanais-nais na dayuhan at terorista.
“The bureau would continue with the computerization program of its offices next year to make it work more efficient,” wika ni Libanan.
Sa ginawang pagdinig ukol sa pondo ng BI, sinabi ni Lagman na kinikilala ng komite ang mahalagang papel ng ahensiya sa paghikayat ng foreign investors at turista, maliban pa sa pangangalap ng pondo para sa gobyerno.
Malaki ang maitutulong ng pagkilalang ito ng mga kongresista upang maaprubahan ang mas mataas na pondo para sa BI, ayon kay Lagman.
Batay sa financial reports, ang BI ay isa sa mga pinagkukunan ng pera ng pamahalaan. Ngayong taon, nabigyan lang ang BI ng P362 million ngunit binigyan ng target na P1.4 billion.
Kamakailan, nalam pasan na ng BI ang nasabing target at inaasahan ni Libanan na madaragdagan pa ng P600 million ang kita ng ahensiya bago matapos ang taon.
Kapag naabot ng BI ang bagong pagtaya sa kikitain nito, aabot na sa P1.5 billion ang naiaambag ng ahensiya sa kaban ng bayan ngayong taon. (Butch Quejada)