Sinalakay at pinagdadampot ng mga tauhan ng District Mobile Force Unit (DMPU) ng MPD ang anim kataong pinaniniwalaang responsable sa mga ‘pangongotong’ o kulang ang ibinabayad sa mga nagpapalit ng dolyar sa ilang money changer, sa Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga nadakip na suspects na sina Billy Akmad, 54; dalawang anak nitong sina Odan, 22, at Randy, 23; Lauro Santiago, 18, Joseph Gomez, 23; at Rogie Unay, 22.
Ayon sa report, dakong alas-12 ng hapon nang isagawa ang operasyon sa iba’t ibang money changer sa Mabini St., at Sta. Monica St., Ermita, Manila.
Nabatid na ipinarating sa pamamagitan ng e-mail kay MPD Director Roberto Rosales ng mga nagrereklamong biktima ang sinasabing ‘kotong’ na money changer noong Agosto 17, 2008.
Isa sa biktima ay nakilalang si Jasmin Cruz-Van Schaik, asawa ng isang Dutch national, na nagpalit ng dolyar noong Agosto 7, 2008 sa Len Money Changer sa A. Mabini St., Malate, at natangayan siya ng P180,000 na dito naaresto ang isang teller na nagngangalang Annabelle Santos, 38.
Bukod sa e-mail, ilang overseas Filipino workers din ang lumantad sa tanggapan ng MPD na umano’y nakaranas din ng short changed kaya ipinag-utos ni Rosales ang pagsasagawa ng operasyon.
Kaugnay nito, nabatid na ilang pulis-Maynila ang kinakaibigan ang umanoy nagbibigay proteksyon sa mga tiwaling money changer na nakikinabang din sa ilegal na operasyon ng mga ito. (Ludy Bermudo)