Dalaga binoga sa mukha ng kapitbahay

Palaisipan pa rin sa pulisya kung ano ang motibo ng isang lalaki upang barilin nito ang kanyang kapitbahay na dalaga habang naglalakad patungo sa isang simbahan kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Ang biktima na nagtamo ng isang bala sa kanyang kanang pisngi at pa­tuloy pa rin nasa malubhang kalagayan sa Rizal Medical Center ay nakilalang si Daisy Bustamante, ng Sampaguita St., Sto. Rosario Sub­division, Brgy. Palatiw, ng nasabing lungsod.

Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng Pasig Police laban sa suspek na nakilala lamang sa alyas na “Boy” na kalugar ng biktima.

Sa ulat ng puilsya, dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang nasabing insi­dente sa kahabaan ng M.H. del Pilar St., Brgy. Palatiw sa nabanggit na lungsod.

Napag-alaman na naglalakad ang biktima patungo sa Palatiw Chapel sa Villa Pandac nang bigla itong lapitan ng suspek at walang sabi-sabing barilin ng malapitan. 

Nabatid na nang makita ng suspek na tinamaan ang biktima ay kumaripas na ito ng takbo bitbit ang ginamit na kalibre .38 baril, habang ilan sa mga saksi ang siyang tumulong sa biktima at itinakbo ito sa nasabing pagamutan.

Patuloy naman sumasailalim sa obserbasyon sa pagamutan ang biktima habang isang follow-up operation ang siyang isinasagawa ng pulisya upang madakip ang suspek. (Edwin Balasa)

Show comments