Bisita sa party nag-amok: 1 patay, 2 sugatan

Nabahiran ng dugo ang kasiyahan sa isang birth­day party makaraang isa ang masawi at dalawa ang nasugatan makaraang magwala at manaksak ang isa sa mga bisita kama­kalawa ng gabi sa Valen­zuela City.

Nakilala ang nasawing biktima na si   Edgar Tipait, 54, construction worker, ng Block 7, Compound 3, Sitio Kabatuhan, Brgy. Gen. T. de Leon ng na­banggit na lungsod.

Kasalukuyan namang ginagamot sa nabanggit na pagamutan ang mag-amang sina Raymond Conge, 28; at Reynaldo Conge, 48, na nagtamo rin ng mga saksak sa katawan.

Pinaghahanap naman ang suspect na si   Melvin Ybañes, 27, kapitbahay ng mga biktima, na ma­ bilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, na­ganap ang insidente da­kong alas-11 ng gabi sa bahay ng pamilya Conge sa naturang lugar habang isang kasiyahan ang na­ga­ganap dahil sa nagdi­riwang ng kaarawan ang anak ni Reynaldo na si Rea Mae nang biglang magwala ang suspect dahil sa matinding kala­singan. Agad nitong pinag­sasaksak ang biktimang si Tipait at nang awatin ito ng mag-amang Conge ay sila naman ang inundayan ng saksak.

Matapos nito ay ma­bilis na tumakas ang sus­pek sa hindi natukoy na direksiyon habang ang mga biktima naman ay isinugod sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin umabot ng buhay si Tipait. (Lordeth Bonilla)

Show comments