Bahay ng engineer grinanada

Wasak ang sala ng ba­hay ng isang inhinyero ma­karaang pasabugan ng gra­nada ng isang hindi pa naki­kilalang lalaki kama­kalawa ng gabi sa Quezon City.

Masuwerte namang wa­lang nasaktan sa pa­milya ng may-ari ng bahay na si Benjamin Ferrer sa Block 79 Lot 15 Flores de Mayo St., Lagro Subd., Brgy. Greater Lagro, ng naturang lung­sod.  Nabatid na natutulog sa  ikalawang palapag ng bahay ang mga miyembro ng pamilya nang maganap ang pag­sabog.

Sa inisyal na ulat ng Que­zon City Police Dis­trict-Explosive and Ord­nance Division, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi.  Mabilis na tu­makas naman ang suspek na naghagis ng granada sakay ng isang maroon na Tamaraw FX na hindi na­plakahan.

Sa pagsusuri ng EOD, isang butas sa lupa ang nalikha ng naturang pag­sabog habang nawasak ang pader at kisame ng sala ng bahay.

Narekober rin ng mga imbestigador ang safety pin at safety lever ng isang M-26 frag­mentation gre­nade.

Kasalukuyan pa ring isinasailalim sa imbesti­gasyon si Engr. Ferrer upang mabatid ang posib­leng motibo at makilala ang mga posibleng suspek na may motibo na pas­langin siya.  Inaalam rin ng mga awtoridad kung per­sonal o may kinalaman sa trabaho ang naturang tangkang pamamaslang.

Show comments