LTO pabor alisin ang mandatory drug test sa pagkuha ng lisensiya
Pabor ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na alisin ang mandatory drug test na isang requirement sa pagkuha ng drivers license sa may mahigit 2 milyong motorista sa bansa.
Gayunman, sinabi ni LTO Chief Alberto Suansing, ang Department of Health (DOH) pa rin ang huling magdedesisyon hinggil dito dahil ang pagsasailalim sa drug test sa mga driver ay pinangangasiwaan ng DOH.
Sinabi pa nito na malaking kabawasan sa gastusin ng mga driver kung aalisin ang drug test. Ang drug test ay umaabot sa halagang P300.00
Mula noong panahon ni dating LTO chief na ngayon ay MRT manager Roberto Lastimoso ay inalis na sa LTO ang pangangasiwa sa drug test at ito ay pinamahalaan na ng DOH.
Ang pahayag naman ay ginawa ni Suansing bilang reaksiyon sa panawagan ni DDB Chairman Tito Sotto na alisin na lamang ang mandatory drug test na isang requirement sa mga driver sa pagkuha ng lisensiya dahil ugat lamang ito ng korapsiyon.
Mas mainam na lamang umano na ipatupad ang random drug test sa mga driver upang maiwasan ang katiwalian at tuloy hindi ito mapapaghandaan ng mga driver para makaiwas o gumawa ng milagro kapag sasailalim sa drug test. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending