Inutos ni Acting Manila Mayor Isko Moreno sa Manila Police District at sa mga awtoridad ng City Hall na i-monitor ang nangongotong umano na mga money changer matapos na magreklamo ang isang Dutch national at misis nito na nabiktima sa Mabini St., Maynila.
Ayon kay Moreno, kailangang agad na masawata ang modus operandi ng ilang money changer tulad ng Len Money Changer sa Mabini St. kung saan nagreklamo ng pandaraya si Maria Jasmin Van Shaick, 63, ng #54 Larate Road, Pilar Village, Las Piñas City.
Sinasabi ni Shaick na nagpapalit sila ng 6,000 euros sa isang Annabelle Santos, 38, teller ng nabanggit na money changing shop. Ang 6,000 Euro ay aabot ng P423,000 kung saan ang palitan nito ay P70.50.
Bagama’t binilang naman sa kanyang harapan ang pera, nagulat na lamang siya ng kanyang muling bilangin na kulang na ito ng P180,000.
Agad na nagreklamo si Shaick kay Santos subalit itinanggi naman ito ng huli kung kaya napilitan na itong lumapit sa MPD-Station 9 at sa Vice Mayors’ Office.
Ayon naman kay Moreno, paiimbestigahan niya ang insidente at kung mapapatunayang nagkasala ang money changer ay agad niya itong ipasasara.
Maging ang Bangko Sentral ay agad na sasabihan hinggil sa pan lolokong ginagawa ng ilang money changer sa Maynila.