Pinasabugan ng isang granada ng isang hindi pa nakikilalang lalaki ang harap ng Philippine Educational Theater Association sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-4 ng madaling-araw nang maganap ang pagsabog sa gusali ng PETA sa may Sunny Drive, Brgy. Kristong Hari, ng naturang lungsod.
Sa imbestigasyon, isang MK-2 fragmentation grenade ang sumabog na nagresulta sa pagkawasak ng semento sa lobby at parking area ng gusali.
Ayon sa mga saksi, isang hindi nakilalang lalaki ang nakitang tumatakbo papalayo sa teatro na nasundan ng malakas na pagsabog. Walang naiulat na nasaktan sa insidente.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng QCPD-Explosive and Ordnance Unit na agad nagsaliksik sa buong gusali sa posibleng nakatanim pang bomba pero wala nang nakitang iba.
Patuloy pa rin naman ngayon ang pulisya sa kanilang malalimang imbestigasyon upang mabatid ang motibo at mga nasa likod ng naturang pagpapasabog.