1 pa patay sa motorsiklo

Patay agad ang isang ama ng tahanan makaraang sumalpok ang sinasakyan nitong motorsiklo sa isang van, kahapon ng umaga sa Pasay City.

Nasawi sanhi ng pagkakabasag ng bu­ngo at pagkabali-bali ng mga buto sa katawan ang biktimang si Eufroni Casis, 53,   ng Sun Valley Subd., Para­ñaque City.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:45 ng umaga nang mangyari ang nasabing insidente habang tinatahak ng biktima ang  Domestic Road kanto ng Ser­vice Road, Delta Gate lulan ng kanyang motorsiklo na may plakang UQ 3317.

Una umanong tinangkang lagpasan ng biktima ang isang sasakyan hanggang sa maalangan ito nang makasalubong at salpukin ng isang close van na may plakang UHP-673.

Dahil sa lakas ng pagkabangga, na­yupi ang harapang bahagi ng van, habang natanggal naman ang manibela ng motor­siklo at tumilapon ang biktima na nagre­sulta sa agaran nitong pagkasawi. Nang makitang duguan  ang nakahan­dusay na biktima, agad na tumakas ang driver ng van na kinilala ng pahinante nito sa alyas na Jimmy. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments