Inaresto ng pulisya ang tinaguriang “bampira” ng krudo matapos mahuli sa aktong sinisipsip ang laman ng tangke sa isang nakaparadang towing truck kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Kinilala ang ‘bampira’ na si George Billones, 46, jeepney driver, ng 133 Canare St., Agra Homes Village, Brgy. Putatan, Muntinlupa matapos itong mahuli sa akto ni Bong Mararag, 25, driver ng Centennial Auto Services.
Sinabi ni Mararag sa pulisya na ilang linggo na niyang napupuna ang sobrang lakas ng konsumo sa krudo ng minamaneho niyang towing truck, gayung regular at hindi naman nagbabago ang kanyang ruta kaya’t inireklamo na niya ito sa may-ari ng auto services na si Mario Castillo.
Sinuri naman ng mekaniko sa naturang auto services ang towing truck na may plakang RTZ-513 na minamaneho ni Mararag at wala naman silang nakitang diperensiya upang kumonsumo ng malaking halaga ng krudo. Dakong alas-11 ng gabi nang maisipang suriin ni Mararag ang minamanehong truck sa pinagpaparadahan nito, malapit sa tapat ng kanilang bahay at doon niya nakita ang suspect na mistulang bampirang sinisipsip ang krudo sa tangke ng truck na ginagawa ni Billones.
Agad niyang ipinagbigay alam nito sa mga pulis, na nagresulta nang pagkakadakip sa naturang suspek. (Lordeth Bonilla)