Patuloy na kumokonti o bumababa ang bilang ng mga raliyista mula sa hanay ng mga militanteng grupo na bumabatikos sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular na sa Metro Manila. Ito ang inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Geary Barias sa harap ng mga ikinakasang mga kilos protesta ng iba’t ibang grupo lalo na nakatakdang State of the Nation Address (SONA ) ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa darating na Hulyo 28.
Ang SONA ni Pangulong Arroyo ay inaasahang sasalubungin ng kilos protesta mula sa hanay ng mga militanteng grupo na ihahayag ang kanilang mga karaingan sa tumitinding kahirapan sa bansa at serye ng oil price hike. Ayon kay Barias, hindi na kinakagat pa ng taumbayan ang mga propagandang inilalabas ng mga grupo ng makakaliwa laban sa pamahalaan. Sa kabila nito, sinabi ni Barias na patuloy ang kanilang pakikipagpulong sa mga organizers ng grupo ng mga raliyista upang tiyakin na magiging mapayapa ang ilulunsad ng mga itong kilos protesta sa SONA ni Pangulong Arroyo.
Magugunita na sa kasagsagan ng exposé ni star witness Jun Lozada hinggil sa kontrobersyal na $ 329M ZTE deal na pinasok ng pamahalaan sa China ay kaliwa’t kanan ang kilos protesta na inilunsad ng anti-government groups na hinihiling ang pagbaba sa kapangyarihan ng punong ehekutibo.
Samantalang nakapagtala ng kabuuang 22 insidente ng kilos protesta ang NCRPO sa huling bahagi ng 2007 hanggang sa mga unang buwan sa pagpasok ng taong 2008. (Joy Cantos)