Killer sa party kinasuhan

Isinulong na sa maba­bang korte ang kasong murder, attempted murder at frustrated murder laban sa isang lalaking bisita sa isang Christmas party at ka­sabwat nito na nag­suplay ng bala, namaril at nakapatay sa isang pitong taong gulang na batang lalaki at pagkasugat sa dalawa pang katao sa Tondo, Maynila.

Sinabi ni Asst. City Pro­secutor Lea D. Llavore na may probable cause upang isampa sa Manila Regional Trial Court ang kaso laban kina Eduardo E. Baldisomo, 30, at Ed­mundo B. Salvador, kapwa residente ng 1288 Mithi St., Moriones, Tondo.

Sa rekord ng korte, nasawi si Jeric P. Pineda, Grade I pupil, habang na­su­gatan bunga ng tina­mong tama ng bala sina Al­fredo M. Abac, 47, at Jose Mario H. dela Cruz, 37, pa­wang residente ng Kasi­pagan St., Moriones.

Nabatid na noong gabi ng Disyembre 22, 2007, isang Chritmas party ang ipinagdiriwang sa Kasipa­gan St. nang mapadaan si Baldisomo at inaya ito bilang bisita sa inuman.

Sa kalagitnaan ng inu­man, bigla na lamang nag­paputok ng baril si Baldi­somo sa direksiyon ng mga nagkakasayahan.

Sinabi ni Abac na na­gulat siya nang biglang bumagsak sa kaniyang tabi ang bata na noo’y nagkakantahan ng awiting pamasko at kasunod niyon ang pagkapuna na may tama din siya ng bala. (Ludy Bermudo)

Show comments