Papauwi na sana, napatay pa

Isang 19-anyos na binata na papauwi na sana pero   nakisali pa sa nadaanang ‘riot’ ng kan­yang mga ka-tropa, ang nabaril at napatay sa San Andres Bukid, Manila kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ang bik­timang si Brian Sanchez, ng #2394 Tenorio St., San Andres Bukid, Maynila bunga ng tina­mong bala sa katawan.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang pulisya at barangay officials sa lugar laban sa tatlong umano’y miyem­bro ng isang fraternity gang na armado umano ng mga improvised shotgun na siyang sangkot sa naturang krimen.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat ng 1922 TNT Dagonoy St., San Andres Bukid.

Nabatid na papauwi na ang biktima kasama ang isang Jonalyn Balmes matapos du­malo sa isang birthday party nang madaanan ang nagraram­bol na dalawang gang.

Nang makita ang mga ka-tropa na nakikipaglaban ng batuhan ay nakihalo ito sa tropa  at hindi umano nagtagal ay bigla na lamang itong bumuwal   ma­tapos umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. (Ludy Bermudo)

Show comments