Isang basurero ang nasa kritikal na kondisyon matapos buhusan ng flammable liquid at silaban ng isang hindi nakikilalang adik na lalake habang ang una ay mahimbing na natutulog kahapon ng madaling-araw sa lungsod Caloocan.
Kasalukuyang inoobserbahan sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) sanhi ng tinamo nitong 2nd degree burn sa kanyang katawan ang biktimang si Benjamin Baluyot, 28, ng Block 1, Lot 32, Tupda Village, Julian Felipe St., ng nabanggit na lungsod.
Hinahanting ng elemento ng Caloocan City Police ang isang hindi nakikilalang suspek na kaagad na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ni PO1 Alejandro Billedo Jr., may hawak ng kaso, dakong alas-12:30 ng madaling- araw nang maganap ang insidente sa isang basketball court na matatagpuan sa Julian Felipe St. , Brgy. 8, Caloocan City.
Nabatid na mahimbing na natutulog sa lumang sofa ang biktima na noon ay lango sa alak nang biglang dumating ang suspek at agad siyang binuhusan ng flammable liquid at saka sinilaban. Mabilis na tumayo ang nag-aapoy na biktima na kaagad namang tinulungan ng mga nakasaksi at mabilis na dinala sa pagamutan, habang tumakas naman ang suspect. (Lordeth Bonilla)