Bulagta ang dalawang umano’y holdaper nang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) matapos ang isinagawang panghoholdap sa pampasaherong jeep sa kahabaan ng Jose Abad Santos St., Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang isa sa suspect na tinatayang nasa gulang na 25-26 anyos, nakasuot ng maong na pantalon, tadtad ng tattoo at kabilang dito ay mukha ni dating Pres. Joseph Estrada na naka-tattoo sa likod, habang ang isa ay nasa 48-50 ang edad, kalbo, nakasuot ng gray na polo shirt at asul na pantalon na tadtad din ng tattoo ang katawan.
Tatlo pang kasamahan ng mga ito ang mabilis na nakatakas. Sa ulat ng pulisya, dakong 3:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng J. Abad Santos Ave., at Corregidor St., Tondo.
Kabilang sa nag reklamong biktima sina Angel Ramos, 26, call center agent at Maritess Obrero, 29, OFW ang nagsabing sumakay ang mga holdaper sa 3rd Avenue, Caloocan City at ilang sandali pa ay nagdeklara ng holdap.
Dahil sa takot at pagkabigla ay napatalon ng dyip si Obrero na nakatawag pansin sa mga nagpapatrulyang pulis.
Nang habulin ang papatakas na mga suspek ay pinaputukan sila ng mga ito kaya napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad na naging sanhi sa pagkamatay ng dalawa sa mga suspect. (Ludy Bermudo)