‘Dugu-dugo’ di umubra sa biniktima, ipinaaresto pa
Hindi umubra ang modus-operandi ng isang miyembro ng “Dugo-dugo” gang laban sa isang staff ng Department of Justice (DOJ) bagkus nagawa pang ipaaresto ng huli ang una sa isinagawang entrapment operation, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Walang pagsidlan ang tuwa ni Gng. Myrna Dy, 48, ng Block 35 Lot 6 Phase 4, Soldier Hills 4, Bacoor, Cavite matapos na matagumpay na masakote ang suspek na si Marjote Marabe, 28, walang trabaho, nakatira sa Mabuhay St., Tondo, Manila.
Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO3 Odeo Carino ng Criminal Investigation Division ng Parañaque City Police, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa harapan ng Max’s restaurant sa Baclaran.
Ayon sa pahayag ni Dy, pauwi na umano siya nang makasalubong nito ang kanyang kasambahay na si Ana Marie Bi joso na nagmamadaling umalis at bitbit ang mga alahas niya.
Agad na nagtanong si Dy kay Bijoso kung bakit bitbit ang mga alahas at sumagot ito na may tumawag na isang lalaki kung saan sinabi nito na kaibigan siya nito.
Naaksidente raw ang kanyang amo at nangangailangan ng malaking pera kaya pinapakuha ang mga alahas nito upang maisanla pambayad sa ospital at mga gamot. Umaabot sa P450,000 ang halaga ng mga alahas na dadalhin sana ni Bijoso sa suspek ngunit dahil inabutan siya ng kanyang amo ay nagdesisyon ang dalawa na isumbong ito sa mga alagad ng pulisya upang ipaaresto.
Agad na bumuo ng isang entrapment operation ang Parañaque Police kung saan sa nasabing oras at lugar ay dumating ang suspek at inaantay na nito si Bijoso. Nang mahawakan na ni Marabe ang mga alahas ay agad na dinakma ito ng mga operatiba at kaagad na dinala sa himpilan ng pulisya. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending