Sinugod kahapon ng mga militanteng estudyante na nagmula sa iba’t ibang kolehiyo ang tanggapan ng Petron sa Makati City at hinagisan ito ng grasa sa kanilang pagpapatuloy na protesta laban sa sobrang taas ng presyo ng petrolyo.
Subalit hindi masyadong nakalapit ang mga estudyante sa tanggapan ng Petron dahil pinigilan sila ng mga security guard ng kompanya at nagkasaya na lamang na ipahayag ang kanilang protesta sa loob ng 30 minuto bago umpisahang tapunan ng grasa na nakalagay sa plastic ang dambulahalang kompanya ng langis.
Ayon kay Anakbayan National Capital Region Spokesman Andrew Zarate, magpapatuloy ang kanilang grupo sa mga kilos protesta at pagkalampag sa mga kompanya ng langis gayundin sa Energy Regulatory Commission (ERC) hanggang mapilitan ang mga itong ibaba ang presyo ng petrolyo na patuloy na nagpapahirap sa sambayanan.
Sa isinagawang kilos protesta ng mga estudyante, ipinakita nila kung gaano ang dinaranas na hirap ng kanilang mga magulang dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na siya ring dahilan ng pagtaas ng mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw ng isang pamilya. (Edwin Balasa)