May dalawang trak na naglalaman ng kemikal na ginagamit sa paggawa ng bomba ang nadiskubre makaraang parehong tumirik ang mga ito at hilain ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa ulat ng MMDA, unang nadiskubre ang nasabing mga kemikal na ammonium nitrate sa isa sa mga trak na may plakang CWY-148. Pawang mga blasting caps naman ang karga ng isa pang trak na may plakang WKL-245. Ayon pa sa MMDA, nadiskubre ang nasabing mga bomb component materials nang tumirik ang nasabing mga trak na pinagkakargahan nito kamakalawa ng gabi at hingin ang tulong ng ahensiya para hilain ito. Lumalabas sa pagsisiyasat ng MMDA na pag-aari ng Orica Phils. ang nasabing mga trak at patungo sana ang mga ito sa Antipolo City.
Ayon naman kay MMDA general manager Roberto Nacianceno, kailangang imbestigahan nang masinsinan ng pulisya ang pagkakadiskubre sa nasabing mga kemikal at blasting caps sa may-ari ng mga ito kung para saan nakalaan gagamitin ang mga ito. (Rose Tamayo-Tesoro)