Inaprubahan na ka hapon ng Malacañang ang dagdag pasahe sa mga pampasaherong jeepney, bus at taxi na magiging epektibo sa linggong ito. Bukas o sa Biyernes inaasahang ipapatupad na ang dagdag sa pasahe.
Sa isinagawang media briefing sa Malacañang matapos ang Cabinet meeting, inaprubahan ng NEDA board ang dagdag pamasahe na inirekomenda ng Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB chairman Thompson Lantion, ang dating P8 na minimum fare sa mga jeepney ay magiging P8.50 sa unang apat na kilometro, habang P1.50 naman ang magiging dagdag sa susunod na bawat kilometro.
Sinabi pa ni Chairman Lantion, ang dating minimum fare naman sa ordinary bus sa Metro Manila na P9 ay magiging P10 sa unang 4 na kilometro habang P1.95 naman ang magiging dagdag sa susunod na kilometro.
Aniya, 20% naman ang magiging dagdag sa maximum sa mga aircon buses na bumibiyahe sa Metro Manila.
Sampung piso naman ang idadagdag sa kabuuang meter rate sa mga taxi.
Ang inaprubahang dagdag-pasahe sa jeepney at taxi ay nationwide, habang ang dagdag-pasahe sa mga bus ay para sa Metro Manila lamang at hindi kasama ang mga provincial buses.
Ipinaliwanag pa ni Lantion, posibleng maging epektibo ang nasa bing bagong fare sa mga jeepney, bus at taxi bukas, Huwebes o Biyernes ng linggong ito.